Sabado, Setyembre 29, 2012

Ikalawang Markahan Ikapitong Aralin "Sa Lupa ng Sariling Bayan " ni Rogelio Sikat

Sa Lupa ng Sariling Bayan 

Tagpuan:
San Roque, Quezon City, San Fernando,

Tauhan:
Layo - Atty. Pedro Enriquez
- Naulila ng Maaga sa magulang at inampon ng kanyang malupit at kuripot na Amain na

kapatid ng kanyang Ama.

- Nagsumikap at nagging isang tanyag na abugado sa Lungsod.
Tiyo Julio - Ang natitirang kamag-anak ni Layo
Ben - Ang Anak ni Tiyo Julio
Ising - Ang asawa ni Layo
Fe - Ang Anak ni Layo at Ising
Tata Indo - Kapatid ng Ama ni Layo. Ang malupit at kuripot na Amain na nag ampon sa kanya.
Gallego - Pinaka mayaman sa San Roque at nagmamay -ari ng isang poultry.

Buod:

Bata pa lamang ay naulila na ito sa magulang. Kaya't Inampon ito ng kanyang tiyuhin na si Tata
Indo. Lahat ng pagmamalupit ay naranasan niya sa kamay ng kanyang Amain. Kaya't siya'y nagsumikap
Na abutin ang kanyang pangarap. Naging manunulat siya sa isang pahayagan sa kanilang bayan at sa gabi naman ay nag aaral siya. Hanggang sa makatapos siya ng pag aaral at naging topnotcher. At naging isang tanyang na abugado sa Maynila at nagkaroon ng isang malaking bahay sa quezon City. At napangasawa niya si Ising na taga San Fernando at nagkaroon sila ng Anak. Sa kabila nang kanyang katanyagan ay hindi nya pa rin malimutan ang sakit at sama ng loob na dinanas nya sa san roque kahit na nangamatay na ang mga gumawa nito sa kanya. At loob ng mahabang panahon ay hindi siya pumunta umuwi doon upang dalawin ang puntod ng kanyang mga magulang. Hanggang sa isang araw ay lumapit sa kanya ang Tiyo Julio niya upang magpatulong ukol sa lupa. Hindi naman ito nabigo sa paghingi ng tulong kay Layo.
Ikinagulat ng lahat nang malaman na mayroon siyang kanser. Labis ang kalungkutang nadarama ng kanyang pamilya. Itinatago niya ang takot na nararamdaman. Ipinipilit niya na huwag siyang ilibing sa san roque dahil sa galit at poot na nararamdaman niya. Ngunit pinayuhan ito ni Tiyo Julio na sa kalaunan din ay naintindihan niya at napatawad niya ang mga taong nagpahirap sa kanya noon. At Iniuwi rin ang kanyang katawan sa San Roque at doon na rin Inilibing.




Simbolismo:
Katanyagan at kayamanan… Ang sumisimbolo sa akdang ito. Marapat lamang na matuto tayong lumingon sa pinaggalingan kahit na saan man tayo makarating. Anumang pait ang nakaraan.

Layunin ng Awtor:
Layunin nito na kung anuman ang naranasan natin noon sa mga taong umalipusta at umulila sa atin ay dapat matuto tayong magpasalamat at patawarin sila. Sapagkat kung hindi nila ginawa iyon ay hindi tayo makararating kung anuman tayo ngayon. Kung hindi natin naranasan ang ipinaranas nila sa atin ay hindi tayo lalago at matututo.

Kakintalan: (Impresyong iniwan ng mambabasa)
Sa bawat takbo at yugto ng buhay ay ikaw ang gumagawa. Kaya't marapat lamang itong pagbutihin at dapat ay maging handa sa lahat ng pagsubok na haharapin.

Pagsusuri:
Sa akdang ito, nararamdaman ko ang impresyon ni Layo na parang gusto niyang maghiganti sa mga taong nagpahirap sa kanya. Gusto niyang ipamukha sa kanila na "Heto nako Ngayon" Ngunit hindi niya ito magawa dahil kahit papaano ay utang parin niya sa kanyang Amain ang kanyang buhay sa pagkupkop sa kanya. Ginawa na lamang niya itong inspirasyon upang umunlad ang kanyang buhay.



Martes, Setyembre 11, 2012

Ikalawang Markahan Ika-anim na Aralin "Saan Patungo ang langay-langayan ?? "

Saan Patungo ang Langay-langayan?

Ang Saan Patungo ang Langaylangayan? ay isang kuwentong isinulat ni Buenaventura S. Medina, Jr..


Iisa lamang ang aking mithi. Ang makalaya sa kaalipinan. Pagkat alipin ako.

Alipin ako ng aking sariling pagananasang guminhawa at lumigaya ngunit nababakla ang daigdig na sa wari’y lumalaki, at ako’y naiiwan tila butil ng buhanging makapuwing ma’y di makasugat. Alipin ako ng sariling nangangambang di makarating sa paroroonan (ngunit saan?) gangga-binlid na sarili. Alipin ako ng aking sariling nagnananasang makatawid sa dagat ng pakikitalad na payapa kung minsan ngunit kadalasa’y maalimpuyo. Alipin ako ng sariling pagkat luwad ay makaluwad, pagkat ako’y sa tao ang puso, diwa at kaluluwa. (Ngunit hindi ba ako’y likha ng Diyos? At sa kanya iniwangis? Nasaan ang pagkawangis na iyon? Nasaan ang aking pagka-Diyos?)

Ito ang aking mithi: Paglaya.

At ako’y nagtatanong: Ano ang paglaya?

Ang paglaya’y ang pagkakilala sa sariling kakayahang mabuhay sa daigdig ng kawalang-katiyakan, ang pagkaunawa sa tunay na kahulugan ng buhay (na di lagging katuwaan, ngunit di rin naman laging kapighatian). Ang paglaya’y ang pagkakilala sa maraming suliranin sa buhay at ang pagkatulong malutas ang mga ito. Ang paglaya’y ang pagkaunawa sa puu-puong kahulugan ng damdamin ng tao. Ang paglaya’y ito: ang pagkaunawa sa sarili at sa daigdig. Ngunit paano ko mauunawaan ang aking sarili?

Sa salamin, ang larawan ko’y mistulang ako: naroon din ang buhok na dating malago, ngayo’y manipis, ang mukhang hawas na may guhit na ng hapis at kahapon, ang katawang dating matipuno’y mahagway ngayon. At sa kamalayan ay naghuhumiyaw na tanong: Sino ka? Nakikilala mo ba ang iyong sarili? Hindi! Oo! Nakikilala ko ang aking sarili sa kanyang hubad na larawan, ngunit di ko lubusang natatalos ang tunay na kalooban, pagkat hanggang ngayo’y gapos pa ako ng kahangalan, bigti pa rin ako ng karuwagan, alipin pa rin ako ng kasalanan. Wala sa akin ang pagkaunawa sa aking sarili, lubha pa sa kaninuman: ako’y hindi malaya at ngayon, akong dating maraming makamit, akong dating maraming nais marating, akong dating maraming mithiin sa buhay, ay may iisang pagnanais na lamang – ang makalaya sa kaalipinan.

Hinahanap ko ang kalayaan, sa kapatagan, sa kabundukan, sa bayan, sa ilang na pook, sa lahat ng dako ng daigdig; sa hilaga, sa kanluran, sa timog, sa silangan; nariyan sa alinman diyan ang kalayaang hinahanap ko. Alam ko: Ang kalayaan ay nasa lahat ng dako. Ito’y tila hanging malayang malalanghap (ngunit may pumipigil sa aking paglanghap): ito’y tila hanging malayang madarama (ngunit mukha ko’y namamanhid). Paano ang malayang paglanghap ang malayang pagdama, paano?

Sa salamin ay naroon ako.

Ako’y lalaking tinukso ng pagkakasala sa pamamagitan ng nilikhang sa tadyang ko nanggaling. Bakit nangyari ito, sa akin ang buong Paraiso; walang hapis, pawang ligaya. At nang ito’y naganap, nawala ang ligaya, nahalili’y hapis. At ako’y napahiya sa sarili, unang-una. Tumingala ako. Sa kabughawan, sa bunton ng mga ulap, hinanap ko ang Maykapal, ngunit wala siya. Inulilig ko ang kanyang tinig, ngunit biningi ako ng katahimikan. Nasaan ka, Diyos ko? Bigla-biglang sinaklot ng pangamba at agam-agam ang aking katauhan. Mawawala na sa akin ang mga biyayang kaloob ng Maykapal. At nang bumaba ang Serafin, batid kong tuluyan nang nawaglit para sa akin ang Paraiso: Hindi na ako malaya: pagkat alipin na ako ng aking sariling pagkasala.

Sapul noon ay hinanap ko ang kalayaan.

Buhat sa Paraiso, ako at ang aking katambal ay may tataluntuning landas sa paghanap ng kalayaan ng dating kaginhawaan at kaligayahan, ngunit saan? Di ba tanging Paraiso lamang ang katatagpuan ng walang-katapusang ligaya? Sa kabughawan ng langit ay naroon ang nagsasalimbayang mga langay-langayan. Nakikita ko ang langkay-langkay na mga ibon sa kanilang paglipad. Ngunit saan patungo ang langay-langayan? At ako, kasama ang sa aki’y nagbuhay, katulad ng langay-langayan, ay saan patungo? Saan masusumpungan ang ligaya at ginhawa, ang kalayaang sa wari’y tuluyan nang nawaglit?

Ito ang natitiyak ko: habang may buhay , ako’y ako rin: ang tao. At saka ito: ang patutunguhan ko’y walang katiyakan, pagkat inilulunsad ko ngayonang aking daong sa dagat ng pakikitalad; pagkat sa akin at sa kasama ko ay pinid (matutuluyan kayang pinid?) ang Paraiso.

Ang daigdig ay totoong malawak: hindi masundan ng aking paningin ang haba’t luwang nito. Batid ko na kung makalalagos ang aking paningin sa tinutuntungan kong lupa’y hindi maaabot ng tingin ang lalim nito. Sinlawak ng kalupaan ang karagatan. Ang dagat ay tubig. Sinasabing ang tubig ay kristal na napananalaminan. Marahil sa pagiging kristal nito’y makikita ko ang pusod ng dagat, makikita ko ang kagandahang itinatago niyon. Subalit hindi: ang dagat ay singhiwaga ng lupa. Sumalok ka ng tubig, magagawa mo’t masasalat ang kanyang kanipisan, ngunit sa kabila nito’y hindi mo makikita kung ano ang inililihim sa ilalim.

At nauunawaan ko. Mahiwaga ang daigdig, at ako, kasama ang sa aki’y nagbuhat, ay maglalakbay sa dagat ng pakiktalad nang may isang mahalagang bagay na nababatid: kahiwagaan. Kaya marahil hindi ko maware ang sarili: kaya marahil hindi ko nakilala ang tunay kong kaakuhan, pagkat nababalot ng hiwaga ang Tao.

Maganda ang sikat ng araw. Nadama naming ang init. Sumalab sa balat. Sumilong kami sa ilalim ng malalabay na sanga ng unang punong aming natagpuan. Saka lamang kami nakadama ng bahagyang ginhawa. Ngunit pagod na kami. Masakit ang aming mga paa. May galos at paltos na ang aming mga talampakan. Nakadama na kami ng sakit. Wala na nga kami sa Paraiso: doon, ang nayayapaka’y alpombrang malambot, maginhawa. Wala na, wala na kami sa Paraiso. At ngayong tumatagal ang aming inilalagi sa labas na iyon ay nakadarama na kami ng uhaw. Nanunuyo ang aming lalamunan. Patuloy ang paggiti ng saganang pawis. At kumakalam na ang aming sikmura. Ngunit anong hiwaga! Ang punong kinatitigilan namin ay may bungang nakabitin. (“Huwag ninyong kakainin ito.” Walang gayong tinig kaming naririnig. Gaya noong makalimot kami.) iniabot ko yaon: ngunit mataas ang sanga, hindi kayang lundagin. Kailangan kong akyatin ang puno. Ito ang pakikitalad, ito ang pakikipamuhay, ito ang kaalipinan. Pagkat alipin na ako ng aking sarili. Ng daigdig, ng buhay. Hindi na ako malaya.

Noon nagbagu-bago ang anyo ng araw – naroong sumilip, sumikat, kumubli. At nagbagu-bago ang kulay ng langit – naroong bughaw, abuhin, itim. At noon nagbagu-bago ang hampas ng hangin – naroong mayumi, masungit, mabangis. Ang mga ito’y tanda ng kawalan ng katiyakan ng anumang bagay sa daigdig. Ito ang kahiwagaang bumabalot sa lahat ng nilikha.

Noon ko nadama ang puu-puong damdamin. Mga damdaming kay hirap unawain: ito ay kaalipinang pinagdurusahan ng sarili. Gayundin ang nadarama ng katambal ko. Sinimulan naming pagtuwangan ang pakikipagsapalaran, gumawa kami ng masisilungan laban sa init at lamig, laban sa sungit ng panahon at kalikasan. Gumawa kami ng damit laban sa init at lamig, sa panahon at kalikasan. Ngunit ano itong pakikipagtunggali sa kalikasan? Di ba’t sa kalikasan kami nabubuhay? (Ito, ito ang kahiwagaang bumabalot sa katotohanan – nagbibigay-kulay, nagbibigay-ganda, nagbibigay-halaga. Pagkat hindi ba kapag may hiwagang nais liripin, kumikilos ang mga tao, nagpupunyagi? Ang pagsisikap na ito ang pintig ng buhay na lumilikha ng kulay, ganda, at halaga.).

Akong Tao at ang katambal na sa tadyang ko nanggaling ay magkasama habang may buhay sa daigdig. Magkasama kami sa pakikipagtunggali. Pagkat siya rin ang kasama ko sa Paraiso. (Noo’y pawing ligaya!) Ngayon ay hindi ko matingnan ang katawan ng aking katambal. Hindi ko na matitigang matagal ang hubog niyon, pagkat nagdadalang-hiya ako. Ngunit may nadarama akong kakaibang damdamin, hindi yaong pag-ibig na mapagkupkop, malambing, magiliw, kundi mabangis, mapilit, maalab. Gayundin marahil ang nadama ng aking katambal. Kasabay ng damdaming iyon ang kamalayang dadalawa lamang kami sa daigdig (“Hayo at magsupling!”) kailangan naming ng kasama. Nasaan ka, manlilikha! Nasaan ka, Diyos! Narito! Narito! Nasa aking sarili: ako ang manlilikha, ngunit sa aba ko, hindi ako ang Diyos! Ito ba ang bahagi ng pagka-Diyos sa akin? Ang damdaming nadarama ko? Ito na ang pag-ibig sa kanyang lalong makabuluhang katuturan: maalab, mapilit, mabangis!

Ang ikalawang salin ay sa damdaming iyon nagbuhat. Sa ganyan ding damdamin magbubuhat ang iba pang salin. Ang lahat at lahat ay sa damdaming iyan magbubuhat. At ako, na Tao, at siya na katambal ko, ay nagsupling: supling at supling: salin at salin. Ito ang kahiwagaan ng paglikha sa Tao: kayraming kawangis, kahawig: kayraming kawangis ng Diyos, kayrami niyang binigyan ng bahagi ng kanyang pagka-Diyos. Hindi mapupuwing ang katotohanang itong napasaakin: ang pag-ibig ay bahagi ng Diyos na isinapi sa Tao.

Kayraming tao sa daigdig. Kayrami kong kawangis, kayrami kong kawangis, kayrami kong larawan. Dumarami ang sakay ng daong naming nakalutang sa dagat ng pakikitalad at saka nahasik ang iba-ibang damdaming taglay ang hiwaga ng pakikipamuhay. Ang katapat ng pag-ibig ay nabigyang-tiis, naging poot, at saka nag-usbong ang pakikipagkaisa o pagbukod, pakikipagtalik or pakikipagalit. Sumibol ang pakikipag-unawaang naging pakikipag-digmaan.

Ito ang hininga ng buhay: ang pagtigil sa daigdig na ito ay isang malaking pakikipaghamok, buhat sa Paraiso’y napalutang na ako, kasama ang sa aki’y nanggaling, sa dagat ng pakikitalad. Ngunit ano itong pakikipaghamok – pakikipaghamok sa sarili o sa daigdig? Ito’y pakikipaghamok sa sarili o sa daigdig. Nababatid ko, sapagkat nadarama ko rin ang iba-ibang damdaming nasaksihan kong nagpagalaw, nagpakilos, sa aking mga supling sa lahat at lahat. Sa Tao.

At habang umiinog ang araw – sumisilip, sumisikat, kumukubli ay nadarama ko ang pagbabago: nasaksihan ko, naririnig ko, nalalanghap ko. Ang mga pagbabagong lalo’t laong naglalayo sa akin sa Paraiso. Nawawala, nawawala nang tuluyan wari ang Paraiso, at ako’y tila ganap nang magiging alipin ng aking sariling nagkasala (ulit-ulit kong sinasabi: Diyos ko, Diyos ko, subalit ang taghoy ay walang tinig.).

Nagbabago na rin ang tanawin. Marami nang gusaling naitayo: bato, kahoy, putik. Ang kapatagan ay pinarikit ng mga halamang tanim ng mga Tao. Ang kagubatan ay unti-unting nahahawan. Subalit Diyos ko, ako man ay nagbabago; nawawala ang dating lakas – tumatakas, tumatakas. Ngunit kailangang maikulong ko sa aking kalamnan ang lakas upang tumibay ang katawan ko sa pakikitunggali sa buhay.

Marami-marami na ang aking mga supling: marami na ang tao. Lumalawak ang sakop ng tao. Ang mga pook-pook ay sumisikip: sa malas ay lumiliit ang kalupaan ngunit kabalintunaan, lumalaki, lumalaki ang daigdig, pagkat nabibigayan niya ng lunan ang lahat. (Ito ang kahiwagaan ng daigdig: may puwang sa kanyang kaliitan ang lahat na parami nang parami: lumalaki, lumalaki ang daigdig at akong Tao ay naiiwang tila butil ng buhanging makapuwing ma’y di makasugat: pagkat alipin. Ang tinig ko’y walang lakas pagkat wala akong laya, taghoy ko’y walang tinig.)

Sumilang ang mga bayan-bayanan. Nakalikha ang mga tao ng mga wika at paraan sa pagsulat, natutuhan ng mga supling ko ang mga makipag-unawaan sa isa’t isa sa pamamagitan ng salita (sari-saring salita) at sulat (sari-saring sulat). Subalit dahil din sa pagkakaibang ito’y ng-uugat ang di-pagkakaunawaang pagkat nawawala ang tatak ng pagkakaisa. Isa pa ring kabalintunaan: bumuo ng salita upang magkaunawaan, ngunit siyang salita ring dahilan ng di-pagkakaunawaan. Bakit ganito? Pagkat sumipot ang pagkakani-kaniya, sumibol ang pagkamakasarili. Ito’y mga tanda ng pagkagapi, ng pagkatalo, ng sarili: napaalipin nang lubos ang tao sa sariling nagkasala, hindi, hindi nga ako malaya!

Nagkaroon ng sariling ari-arian ang tao. May mga kasangkapang tanging kanila, walang makakagalaw. Gaya rin ng karapatang kumilos, lumakad, manahanan, mabuhay na hindi dapat sansalain. Ito’y ipagtatanggol hanggang sa magtigis ng dugo at kumitil ng buhay! May mga kagamitang kanya: iilang malapit sa puso lamang ang makagagalaw. Dito nagbinhi ang inggit at pag-iimbot, pagkat may mga taong nagnanais na magkamit ng ari ng iba. Kung may mga supling akong mapanarili, mayroon pa ring naging mapagkamkam.

Sa salamin ay minasdan ko ang aking larawan, pagkalipas ng maramin-maraming panahon. Nahahapis ako, may pilak na ang aking buhok.

Patuloy ang buhay: pumipintig, kumikilos, humahalakhak sa lahat ng dako ng daigdig. Lumalakad sa lupa, napapatitianod sa tubig, lumilipad sa himpapawid, iyan ang buhay. Patuloy rin ang Tao sa kanyang pakikipaghamok sa sarili at sa daigdig. At ako’y patuloy sa paghahanap ng tunay na paglaya sa kaalipinan sa sarili.

Nalikha ang maraming bagay na panghalip sa ibang niyari ng Maykapal. Nakagawa ang Tao ng maraming bagay na wari’y nakaligtaang ipagkaloob ng kalikasan. Sino ang may-ari nito? Tutugon ako, na Taong mapanarili: Ako.

Subalit ako’y hindi lamang nag-iisa. Marami ako: libu-libong ako, laksa-laksang ako. At naroroon sa lahat ng dako. Iba-iba ang aking anyo, ugali, wika, iba-iba ang aking larawan. Subalit sa tanaw ng Diyos na lumikha sa akin ay iisang lahat ng ito. Ang Tao’y iisa, iisang kalahatang may iba-ibang tibok at pintig.

Nais lupigin ng Taong nakikipaghamok sa sarili ang buong daigdig, ang buong sansinukob. Ang kalawakan ay nais masakop, nais maangkin. Ngayon ay nalikha ang isang kababalaghan. Lumilitaw ang pagkamanlilikha ng Tao, lumilitaw ang kanyang pagka-Diyos – Ito na kaya? Ito na kaya ang kalayaang laon nang hinahanap ng Tao? Ngunit hindi, hindi, hindi pa ito ang kalayaang pagpakilala sa sarili at pagkaunawa sa kahulugan ng buhay. Hindi pa nga ito pagkat hindi pa nakikilala ng tao ang kanyang sarili, hindi pa niya nauunawaan ang tunay na kahulugan ng buhay. Bakit?

Biyernes, Setyembre 7, 2012

Ikalawang Markahan Ika-limang Aralin "Sa Bagong Paraiso "






Sa Bagong Paraiso 




Scene 1:

Sina Ariel at Cleofe ay kapwa walong taong gulang at magkababata. Madalas silang maglaro sa bakuran ng kanilang bahay na malapit sa dalampasigan. Tahimik ang kanilang mundo at mistulang walang suliranin. Ang kanilang mga magulang ay hindi nag-aaway at kapwa relihiyoso.

Pareho silang nag-aaral kasama ng ibang bata. Silang dalawa ay mahilig magpalipas ng oras sa loob ng kanilang bakuran.

Sa may lilim ng puno ng mangga ay naroon sila.. naghahabulan.. nagpapatiran.. at pagdaka’y hihiga sa damuhan dala ng kapaguran.



Cleofe : Makikita ba ang mukha sa langit?

Ariel: Bakit hindi? Ang langit daw sabi ni Itay ay isang malaking salamin.

(Kukuha ng damo si Ariel at kikilitiin si Cleofe sa tenga)

(Tatayong gulat si Cleofe at tatawa si Ariel.. maghahabulan ulit sila.. at muling mapapagod..) Mapapagod na naman sila at muling babagsak sa damuhan, magkatabi at magkadantay ang binti.





Scene 2:



Sa dalampasigan…

Mamumulot sila ng kabibi o kaya’y gagawa ng kastilyong buhangin..

(Mamumulot si Cleofe ng kabibi at si Ariel ay kunwa’y naghuhulma ng isang kastilyong buhangin)

(Lalapit si Ariel at kikilitiin sa tagiliran si Cleofe at maghahabulan na naman sila.. at mapapagod)

Babagsak sila sa buhanginan tulad ng ginagawa nila sa damuhan at sa pagkakatabi ay nagkatinginan sila.

Ariel: May naririnig ka bang tunog mula sa aking dibdib?

(Magtataka si Cleofe at ilalapit ang tainga sa dibdib ni Ariel)

Ariel: Ang bango pala ng buhok mo.

Cleofe: Hindi naman ako nagpapabango. Paglaki ko raw ay tsaka nalang daw

ako magpapabango sabi sakin ng inay.

Ariel: Naririnig mo ba ang tunog sa dibdib ko?

Cleofe: Oo. Ano ang ibig sabihin niyon?

Ariel: Malay ko. Tara na nga! Umalis na tayo.

(Tatayo sila at maglalakad)

Matatanaw nila ang papalubog na araw..

Ariel: Ang ganda, ano? Parang may pintang dugo ang langit..

Cleofe: Oo nga ano? Bakit kaya kulay dugo ang araw kapag palubog na.

Hindi sumagot ang batang lalaki.



Scene 3:



Ipinagmamalaki ang dalawang bata ng kanilang mga magulang at kanayon. Kinaiinggitan sila ng mga batang hindi nagkaroon ng pagkakataong makihalubilo sa kanila.



Iree(usisera): Siguro, paglaki ng mga batang iyan .. sila ang magiging mag-asawa..

Narinig iyon ng magkaibigan at sila’y nagtaka.



Isang araw sa paaralan..

(Magkasama silang naglalakad)

Katrina: Hahaha! Kapit-tuko! Kapit-tuko!

(Iiyak si Cleofe at mapopoot si Ariel)

(Magsu-suntukan sina Katrina at Rajan ngunit sila’y pipigilan ni Teacher Iree)

Ms. Iree: Itigil niyo iyan! Halikayo! Dumapa kayo’t nang kayo’y maparusahan.

(papaluin niya ng tigtatlong palo sa puwit gamit ang patpat)

Pagkaraan ng pangyayaring iyon ay napag-usapan nila ang bansag sa kanila na lalong nagpalunod sa kanilang kawalang malay.

Patuloy pa rin sila sa paglalaro sa damuhan at sa pagtataka kung bakit pula ang silahis ng araw.



Scene 4:



Lumipas ang oras at dumating na ang araw ng pasukan. Hayskul na sina Ariel at Cleofe. Iba na ang kanilang ayos. Ang batang lalaki’y pantay na ang hati ng buhok samantalang ang babae ay lampas na sa tuhod ang damit at hindi na makikita ng lalaki ang alak-alakan nito.

Dito dumaan sa buhay nila ang isang pagbabago, na hindi nila napigil at siyang nagbukas sa kanila upang masaklaw ang tingin ang paraisong kanilang kinaroroonan.

Scene 5:



Isang araw, umuwing tulala si Ariel.



Ariel: Itay, ano po ba ang tule?

(Tatawa ang tatay at tatapikin sa balikat ang anak)

Tatay(Vince): Kailangan mo iyon upang ikaw ay maging isang ganap na lalaki.

Ariel: Talaga po, itay?

Tatay: Oo naman, anak. Isasama kita kay Ba Aryo. Maging matapang ka lang.

Natulala lang siya. Ibig niya iyong ipagtapat sa babae ngunit nahihiya siya. Ngayon lang niya naramdaman iyon. Ang alalahanin na ukol doon ay nakabawas sa sigla ng lalaki.

Ba Aryo(Rajan): Ngumata ka ng dahon ng bayabas.

(Tutulian si Ariel)

Ariel: Araaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaay! Ang sakit!

Ba Aryo: Ayan,tapos na! Maligo ka sa ilog! Ang damuho.. pagkalaki-laki parang hindi lalaki.

Ang narinig niyang iyon kay Ba Aryo kasabay ng halakhak ng kaniyang ama ay lalong nagpawala ng kanyang sigla.





Scene 6:



Cleofe: Ariel, sabi ng nanay ko, hindi na raw tayo maaaring magkita dahil hindi na raw tayo mga bata. Hindi na tayo maaaring maghabulan, umakyat sa puno o magpagabi sa dalampasigan. Balang araw, ako’y magiging dalaga at ikaw naman ay binata.

Ariel: Ayaw ka na palang papuntahin dito.. bakit narito ka pa.. gabi na!

Ang pagbabagong iyon ang nagpaunawa sa kanilang tumataas na dingding sa pagitan nila.



Scene 7:



Buwan-buwan, si Cleofe ay may kapirasong damit na itinatago sa ilalim ng kanyang katre at palihim niyang nilalabhan sa silong.

Scene 8:



Pagkalipas ng ilang taon ay nagtapos sila ng hayskul.



Nanay(Shanenn): Kung gusto mong makatapos ng karera, huwag muna kayong magkita ni Ariel.

Cleofe: Pero, Inay.. kaibigan ko po si Ariel.

Nanay: Kahit na.. kayo’y dalaga’t binata na.. alam mo na ang ibig kong ipahiwatig. Ibig kong mag-doktora ka kaya kalimutan mo muna ang mga lalaki.

















Scene 9:



Isang araw.. bumisita si Ariel sa dormitoryo ni Cleofe.



Cleofe: Hindi na tayo maaaring magkita.

Ariel: Bakit naman?

Cleofe: Ibig nila akong mag-doktora.. nais nilang iwasan muna kita..

Umuwing mapanglaw ang mukha ni Ariel.

Ariel: ‘Tay, bakit bawal na kami magkita ni Cleofe?

Tatay: Kapag malapit ka sa babae ay malapit ka rin sa tukso.







Scene 10:



Hindi sila nagkita sa loob ng mahabang panahon. Hindi rin sila nakatiis.

Isang araw ay nagkasalubong sila sa pamimili ng kagamitan.



Ariel: Hi, Cleofe. Kamusta ka na?

(Tumango lang at hindi nakasagot si Cleofe)

Ariel: Ang tagal na nating di nagkikita. Halika, kumain muna tayo sa malapit na restaurant .

Simula noon ay madalas na silang magkita. Pagkalipas ng ilang buwan, sila’y lumigaya.





Scene 11:



May natanggap na sulat si Cleofe na galing sa kanyang ina… ito ang nilalaman..



Dear Cleofe,

Hindi kami makapaniwalang magagawa mo sa amin ito. Hindi na kayo nahiya! May nakakita sa inyo ni Ariel na magkahawak-kamay sa Luneta. Luluwas ang ama mo kapag hindi mo pinigilan ang kabaliwan g iyan.



Ariel: Magkikita tayo.. magtatago tayo.. ililihim natin sa kanila ang lahat..



(MANGYAYARI ANG.. ALAM NIYO NA IYON..)



Scene 12:



Isang araw, kumulog, dumagundong at pumatak ang ulan.

Masama ang pakiramdam ni Cleofe at siya’y dumungaw sa bintana.

(Si Cleofe ay maduduwal sa labas ng bintana.)

Ang dalaga ay napabulalas ng iyak.

Huwebes, Setyembre 6, 2012

Ikalawang Markahan Ika-apat na Aralin "Sa Tabi ng Dagat " ni Ildefonso Santos

 "Sa Tabi ng Dagat "
  ni:: Ildefonso Santos 

Marahang-marahang
manaog ka, irog, at kata'y lalakad,
maglulunoy katang
payapang-payapa sa tabi ng dagat;
di na kailangang
sapinan pa ang paang binalat-sibuyas,
ang daliring garing
at sakong na wari'y kinuyom ng rosas!

Manunulay kata,
habang maaga pa, sa isang pilapil
na nalalatagan
ng damong may luha ng mga bituin;
patiyad na tayo
ay maghahabulang simbilis ng hangin,
ngunit walang ingay,
hanggang sa sumapit sa tiping buhangin…

Pagdating sa tubig,
mapapaurong kang parang nangingimi,
gaganyakin kita
sa nangaroroong mga lamang-lati;
doon ay may tahong,
talaba't halaang kabigha-bighani,
hindi kaya natin
mapuno ang buslo bago tumanghali?

Pagdadapithapon,
kata'y magbabalik sa pinanggalingan,
sugatan ang paa
at sunog ang balat sa sikat ng araw…
Talagang ganoon:
Sa dagat man, Irog, ng kaligayahan,
lahat, pati puso
ay naaagnas ding marahang-marahan…


Ikalawang Markahan ,Ikatlong Aralin "Dekada 70" ni Lualhati Bautista


                                              Dekada '70

Ang mga salitang ito'y tila mga lagusan na naghahatid sa mga aktibista, mamamahayag, pulitiko at iba pang naging bahagi ng mga rali't demonstrasyon sa mga alaala ng isang di-malilimutang panahon sa ating kasaysayan—ang dekadang 1970.




Sa akdang ito, ipinakita ni Amanda Bartolome ang mga sakit, ligaya, problema, at adhikain niya bilang babae.

Ang mahabang salaysay ay nakasentro sa panggitnang-uring pamilyang Bartolome, at sa kung papaano naapektuhan ng batas militar ang mga tunggalian at trahedyang naganap sa buhay nila. Katuwang ni Amanda ang inhinyerong asawa na si Julian Sr. sa pagpapalaki sa lima nilang anak na lalaki: ang panganay na si Jules na isang kabataang aktibista na sumapi sa rebeldeng New People's Army (NPA) at pagkatapos ay naging bilanggong pulitikal; si Gani na sa batang edad ay nakabuntis ng babae; si Em na isang manunulat na naghahanap ng pagkakakilanlan sa sarili; si Jason na naging biktima ng salvaging at si Bingo na maaga pa'y nagmamasid na sa mga nangyayari.

Sa Dekada '70, mababakas ng mambabasa ang tala ng mga aktuwal na kuwento ng panunupil at karahasan ng mga militar sa mga inosenteng sibilyang nasasangkot sa digmaan, mga paglabag sa karapatang pantao, iba't ibang mukha ng karukhaan at pagsasamantala sa aping mamamayan, at ang walang humpay na paglaban ng mamamayan sa diktadurya sa panahon ng batas militar.

Sa paggamit ng awtor ng first person point of view sa kuwento, kapansin-pansin ang hilig ni Amanda na kausapin ang sarili o mind-chatter hinggil sa papel niya sa asawa't mga anak at sa mga usaping bumabagabag sa kanya. Sa pagkatuto niya kay Jules, nakakapaghayag siya ng tungkol sa mga nangyayari "dahil di na ako limitado sa mga bagay lang na may kinalaman sa pampabata't pampaganda, pagdiriwang at mga kaburgisan," wika nga ni Amanda.

Hindi tipikal na babae si Amanda, bagkus, isang tao na may likas na kamalayan sa mga pangyayaring kinasasangkutan ng mas malawak na bilang ng mamamayan (na unti-unti niyang natutuklasan) at di nagpapasupil sa limitasyon ng litanya ng asawa na, "Well honey, it's a man's world."

Isang mahalagang tauhan sa akda si Jules, isang kabataang namulat ng mga kampanya laban sa tuition fee increase sa paaralan hanggang sa lumao'y piliin niyang lumahok sa sandatahang pakikibakang inilulunsad ng NPA. Ang katangian niya bilang isang rebolusyonaryong nakikibaka para palitan ang sistemang umiiral ay lubhang nakapukaw sa damdamin ni Amanda na minsa'y iginiit ang kalayaang magpasya ng sariling buhay noong sumulat siya sa kapatid ng mga katagang sinipi mula sa tula ng makatang si Kahlil Gibran:

"Ang inyong anak ay hindi n'yo anak, Sila'y mga anak na lalaki't babae ng buhay! Nagdaan sila sa inyo ngunit hindi inyo, At bagama't pinalaki n'yo,sila'y walang pananagutan sa inyo…" Sa pagkakaalam ko, ito rin ang madalas sipiin ng mga aktibistang estudyante ngayon sa pakikipag-usap sa mga magulang na hindi nakakaunawa sa kanilang ginagawa!

At gaya ng maraming magulang, hindi naiintindihan ni Amanda ang anak sa mga ginagawa nito. Sagot ni Jules sa ina: panahon na para mamili ang tao. Alinman sa dito ka o do'n…Tutulong ka bang baguhin ang kalagayang ito o magseserbisyo ka rin sa uring mapang-api?

Sa di-inaasahang pagkakatao'y nalasap ng buong pamilya ang dagok ng batas militar nang walang awang pinahirapan at pinatay si Jason ng mga di kilalang tao ilang oras matapos itong palayain ng PC dahil sa hinalang gumagamit ito ng marijuana. Sa kawalan ng pagkakakilanlan sa salarin, walang silang nagawa kundi ang tumangis sa kawalan ng hustisya.

Ngunit kahit pa sumuong sa matitinding trahedya ang pamilyang Bartolome, nananatili pa rin silang buo sa kabila ng pagkakaiba-iba nila ng prinsipyo. Kahit hindi nagkakaintindihan sa mga diskursong pang-intelektuwal, di nawawala ang mahigpit na ugnayang emosyonal. Ika nga ng isang awit, "sa pagkakalayo ay may paglalapit din."

Ang mga pangyayaring ibinunyag sa Dekada '70 ay tila nakapagsisilbing panggatong sa lumalakas at umiigting na tinig ng paghihimagsik sa mga unang taon ng sumunod na dekada.

Para sa mga estudyanteng may progresibong kaisipan, nakaambag ang akda sa pagpapataas ng kanilang pampulitikang kamulatan at pagkamakabayan.

Kahit noong mga taong nagsisimula pa lang na sumulong ang pakikibaka para sa isang malayang konseho at pahayagan ng mga mag-aaral sa UPHSL, itinuring ko na ang nobela bilang nirerekomendang reading material para sa pagmumulat at pag-oorganisa sa masang estudyante. May isa ngang kasamang nagmungkahi pa na gawin itong kurso sa pag-aaral ng organisasyon.

Sa mga panahong gaya ng dekada 70—na dekada ng pagkamulat at pakikibaka—natutunan natin ang aral na ang bawat isa'y bahagi ng mas malawak na lipunan kung saan ang mga kabataan ngayon, na "isang malinaw na mata at tainga at tinig ng kanyang panahon", ang siyang magpapasya ng kinabukasan ng bayan. Ang luma'y sadyang napapalitan ng bago.
Wika nga ng isang bilanggong pulitikal, "ang payapang pampang ay para lang sa mga pangahas na sasalungat sa alimpuyo ng mga alon sa panahon ng unos."

http://tl.wikipedia.org/wiki/Dekada_'70_(nobela)

Ikalawang Markahan Ikalawang Aralin "Kahapon,Ngayon at Bukas" ni Aurelio Tolentino



Kahapon Ngayon At Bukas 

ni Aurelio Tolentino



Kalayaan : ama ni Walangtutol. 


Inangbayan : ang sumimbolo sa bayang Pilipinas. 


Dilat na bulag : ang sumimbolo sa espanya. 


Bagong Sibol : ang sumimbolo sa amerika. 


Masunurin : ang babaeng pilipina. 


Tagailog : bidang tauhan, na kumakatawan sa Pilipinong rebolusyonaryo. (rebeldeng tauhan) 


Matanglawin : ang gobyerno ng Espanya. 


Malaynatin : ang gobyenor Ng Amerika. 


Asalhayop : ang mapaglilong tagalog. 


HaringBata : ang haring Intsik. 


Walangtutol : ang Pilipinong pasibo, at anak ni Inang Bayan. 


Halimaw : ang Kastilang pari. 






Ang kahapon ngayon at bukas ay nag-papakita di pagsang-ayon ng pagpapalawak ng kapangyrihan na pinamumunuan ng isang bansa sa loob at labas ng kanyang teritoryo at 
Naka-pokus ang tagumpay ni InangBayan laban sa mga nangliliit sa kanya. Kasma na dito si Asalhayop na nakipag-sabwatan kay Haringbata upang ipagbigay alam na Sila Tagailog ay maybalak babakahin si Haringbata. Ngunit ng siya ay pawing paalis na ay napigilan siya ni Inangbayan at sinabing dakpin siya dahil ipinagbili ni Asalhayop ang kanilang kalayaan. Sa kanilang narinig ay hinatulan nila si Asalhayop ng kamatayan at nagpatuloy na sumalakay kay Haringbata. Nang sila'y magsilusob ay mutikang mapatay ni haring bata si inag bayan kundi dumating si tagailog at sinaksak siya; nabuwal at namatay si haringbata. Nang namatay si haringbata ay may dumating sina Dilat na bulag at matanglawin na nangnanais na silay iligtas sapgkat mayroong sakuna; di lumaon sila'y na papayag at nag-sumpaan gamit ang kanilang dugo at sabay nila itong ininom. 

Ikalawang Markahan Ika-unang Aralin "Ang Guryon " ni Ildefonso Santos


"Ang Guryon"
ni Ildefonso Santos

Tanggapin mo, anak, itong munting guryon
na yari sa patpat at papel de Hapon;
magandang laruang pula, puti, asul,
na may pangalan mong sa gitna naroon.

Ang hiling ko lamang, bago paliparin
ang guryon mong ito ay pakatimbangin;
ang solo't paulo'y sukating magaling
nang hindi mag-ikit o kaya'y magkiling.

Saka pag sumimoy ang hangin , ilabas
at sa papawiri'y bayaang lumipad;
datapwa't ang pisi'y tibayan mo, anak,
at baka lagutin ng hanging malakas.

Ibigin mo't hindi, balang araw ikaw
ay mapapabuyong makipagdagitan;
makipaglaban ka, subali't tandaan
na ang nagwawagi'y ang pusong marangal.

At kung ang guryon mo'y sakaling madaig,
matangay ng iba o kaya'y mapatid;
kung saka-sakaling di na mapabalik,
maawaing kamay nawa ang magkamit!

Ang buhay ay guryon: marupok, malikot,
dagiti't dumagit, saanman sumuot...
O, paliparin mo't ihalik sa Diyos,
bago pa tuluyang sa lupa'y sumubsob.