Luha Ng Buwaya ni Amado V. Hernandez
Kagagaling ni Bandong, guro sa Sampilong, sa opisina ng
Superintendente sa kabisera ng lalawigan sapagkat tinagubilinan siyang
manuparang pansamantalang prinsipal sa kanilang nayon samantalang nagbabakasyon
ang talagang prinsipal, si Maestrong Putin. Dinalaw ni Bandong si Pina, ang
pinakamagandang dalaga sa nayon at anak ni Mang Pablo na pangulo ng PTA at
sinusuyo ni Bandong, upang makipagbalitaan at magpalipad-hangin ukol sa kanyang
pag-ibig. Nalaman ni Bandong na may pabatares sa pagapas kinabukasan sina Mang
Pablo. Sa gapasan, nagin masaya ang mga manggagapas kahit na lumabas si donya
Leona Grande, ang may ari ng pinakamalawak na lupang sakahin sa Sampilong.
Napakahigpit na kasama si donya Leona.
Nang ipaghanda sa bahay-asyenda ang dalawang anak ni donya
Leona, si Jun na nagtapos ng medisina at si Ninet na nagtapos naman ng
Parmasya, ang mga kasamang babae at lalaki ay hugos din sa bahay na bato sa
pagtulong sa mga gawain at sa pagsisilbi sa mga panauhin. Naganap sa kasayahang
ito ang kaguluhang kinasangkutan ni Andres, isang eskuwater na nakatira sa pook
na tinaguriang Tambakan. Nagawi sa Sampilong si Andres mula sa Maynila noong
panahon ng Hapones sa pagkat natandaang sinabi ng yumaong ina na may
kamag-anakan sila sa Sampilong. Nang matapos ang digmaan, si Andres at ang
kanyang mag-iina ay hindi na nagbalik pa sa Maynila.
Nakilala nang lubusan ni Bandong si Andres nang ipinapasok nito
sa grade one ang anak na sampung taon. Inamuki ni Bandong si Andres na magtayo
ng cottage industries sa kanilang pook ng mga eskuwater ngunit pagkatapos
lamang na ayusin at linisin nila ang kanilang pook. Pumayag si Andres at ang
mga eskuwater sa mungkahi ni Bandong.
Bumuo ng isang samahan ang mga magsasaka at si Bandong ang
tagapayo nito. Isinumbong ni Dislaw, ang engkargado at badigard ni don Severo
Grande, ang unyon ng mga magsasaka.
Ikinagalit iyon ni donya Leona lalo na nang tanggapin nito ang
manipesto ng mga kahilingan ng mga magsasaka. Tumanggi si donya Leona sa mga
kahingian ng mga magsasaka at ang mga ito naman at tumangging gumawa sa
kanilang mga saka.
Samantala’y nalinis at naayos nina Andres ang pook ng mga
eskuwater at tinawag nilang Bagong Nayon. Sa tulong ni Bandong, lumapit sila ni
Andres sa Social Welfare Adminitration. Nakailak sila ng pondo mulsa sa mga
kanayon at sinimulan nilang itayo ang kooperatiba ukol sa industriyang
pantahanan.
Ngunit ang Bagong Nayon ay sinimulang kamkamin ni donya Leona.
Pagkatapos kausapin ang huwes ng bayan, isinampa ng mga Grande ang habla at ang
ginamit na tanging ebidensya ay isang lumang dokumento ng pagmamay-ari.
Kinasapakat din ni donya Leona ang alakalde na pinsan ni don Severo at ang hepe
ng pulisya na inaanak naman sa kasal ng mag-asawang Grande.
Lumaban ang mga eskuwater sa pamumuno ni Andres. Ang samahan ng
mga magsasaka at ang kooperatiba ng mga eskuwater ay nagsanib at sa tulong ni
Bandong, sila ay nakakuha sa Maynila ng isang abogadong naging kaibigan ni
Bandong noong nag-aaral pa siya sa Maynila.
Sa isang pagkakataon, nakatagpo ni Andres si Ba Inten na
pinakamatandang tao sa nayon. Sa Pagtatanong ni Andres sa matanda, natiyak ni
Ba Inten na si Andres ay apo sa tuhod ng yumaong mabait na Kabisang Resong ng
Sampilong. Mayaman sa Sampilong ang nuno ni Andres ngunit nang mamatay ito ay
napasalin sa mga magulang ni donya Leona ang mga aring lupa nito. Nagawa ng mga
Grande na palitawing ibinenta sa kanila ni Kabisang Resong ang lupa nito bago
namatay. Sa pagtatanong ni Andres sa kanilang abogado, nalaman niyang maaari pa
niyang habulin ang lupa at papagbayarin ng pinsala ang mga Grande.
Sa utos ni donya Leona, naigawa ng kasong administratibo si Bandong.
Si Dislaw na karibal ni Bandong kay Pina at si Hepe Hugo ng pulisya ang
nakalagda sa sumbong. Nang dumating ang pasukan, isang bagong prinsipal, si Mr.
Danyos, ang dumating sa Sampilong.
Noon sinagot ni Pina si Bandong. Pinagtangkaang halayin ni Dislaw
si Pina. Mabuti na lamang at dumalaw si Bandong na kung hindi naawat ng mga
dumalo ay baka napatay si Dislaw. Sa nangyari, pinaluwas ni donya Leona sa
Maynila si Dislaw.
Isang gabi, lihim na ipinahakot ni donya Leona sa mga trak ang
mga palay niya sa kamalig at ipinaluwas sa Maynila upang ipagbili sa intsik
doon. Isang umaga nagisnan na lamang ng Sampilong na nasusunong ang kamalig ng
mga Grande. Ibinintang ang pagkasunog ng kamalig sa mga pinuno ng unyon ng mga
magsasaka at sa mga pinuno ng koopertiba ng mga eskuwater. Salamat na lamang at
ang mayordoma sa bahay ng mga Grande, si Iska, ay nagalit kay Kosme na
mangingibig niya at siyang inutusan ng donya na sumunog sa kamalig, dahil sa
hindi siya ang isinama ni Kosme sa Maynila kundi si Cely na kapatid ni Dislaw.
Ipinagtapat ni Iska kay Sedes na asawa ni Andres ang lihim at ipinagtapat naman
ni sedes kay Bandong.
Nahuli si Kosme at umamin sa kasalanan. Isinugod pa ni Andres
ang paghahabol sa hukuman sa lupa niyang kinamkam ng mga Grande. Dahilan sa kahihiyang
tinamo, hinakot ng mga grande sa Maynila ang mga kasangkapan at doon na
nagpirmi. Sa Maynila , si Donya Leona ay nagkasakit ng alta presyon at nagging
paralisado nang maatake. Si don Severo naman ay nagkasakit ng matinding
insomya.
Samantala, napawalang saysay ang hablang administratibo laban
kay Bandong at tiniyak ng Superintendente na siya ang ilalagay na prinsipal sa
Sampilong sapagkat aalisin doon si Danyos dahil sa hindi makasundo ng mga guro
at ng mga magulang ng mga bata.
Namanhikan si Bandong kay Pina at may hiwatig na siya ay
ikakandidato sa pagka-alkalde ng kanyang mga kanayon sa susunod na halalan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento